Nagsagawa ng ‘mock dying protest’ ang mga miyembro ng St. Luke’s Medical Center Employees Union kanina sa harap ng naturang pagamutan bilang protesta sa diumano’y hindi makatarungang pasweldo sa kanila.
Humiga sa bangketa ang mga kawani na sumisimbolo anila sa hirap na pinagdadaanan ng hospital workers ng pagamutan.
Ayon sa grupo, patuloy ang pagsasawalang bahala ng management ng St. Luke’s Medical Center sa kahilingan ng rank-and-file na dagdagan ang kanilang sweldo sa kabila ng katotohanang kumita ito ng P1.48 billion net profit sa loob ng 3 taon.
Isa sa hinihiling ng grupo ang pagtaas ng sweldo ng mga hospital employees na magdudulot lamang ng 0.2 billion na bawas sa kita ng SLMC.
Bukod sa ‘mock dying protest’, nagtirik din ng kandila at nagbasa ng ‘solidarity statement’ ang mga miyembro ng unyon para obligahin ang management ng ospital na marinig ang kanilang apila.