Hiniling ngayon ng mga namamahala ng Grand Mosque sa Marawi City na makapagsagawa ng inspection sa mosque.
Base sa liham ni Hadji Abdul Pangarungan, pangulo ng Jameo Mindanao Al – Islamie, Islamic Center of Marawi sa Task Force Bangon Marawi nais ng mga ito na malaman ang sitwasyon ng nasabing mosque.
Nakasaad sa liham nila kay Assistant Secretary Felix Castro, nais ng mga ito na personal na makita ng kanilang mga technical engineers ang kondisyon ng Grand Mosque.
Sinabi nito, nag-pledge ang Pangarungan clan sa tulong ng Jameo Mindanao Al – Islamie para maisaayos ang mosque na sentro ng pananampalatayang Islam sa main battle area ng Marawi City.
Iginiit nito na bagama’t suportado nila ang nauna ng pahayag ng militar na ang mga military engineers ang magsasa-ayos ng Grand Mosque nais ng mga administrators na konsultahin muna sila.
Bukod dito, mas gusto anya nila na wasakin muna ang mosque bago muling itayo para sa kapakanan ng mga sumasamba doon.
Dahil anya sa mga tama ng bala posibleng humina ang pundasyon nito at madisgrasya ang mga tao sa loob kapag nagkaroon ng malakas na lindol.
Nagpasalamant naman si Datu Pangarungan sa pahayag nina Lanao del Sur Vice Governor Mamintal Alonto Adiong at Marawi City Mayor Majul Gandamra na isa rin sa tututukan ng mga ito ang paggawa sa nawasak na Grand Mosque.
Sinabi nito na sa tulong ng gobyerno at ng Islamic countries sa daigdig ay maipapatayo nila ang mosque na magiging simbolo ng bagong pag-asa at pagbangon ng mga taga Marawi na nabiktima ng limang buwang giyera.
Ang nasabing Grand Mosque na may lawak na 2,500 square meter ay nasa Datu Desalongan Pangarungan Street, Pangarungan Village, Islamic Cener na nasa mismong pusod ng main battle area ng Marawi City.