Dating miyembro ng Philippine Marines patay sa pananambang sa QC

Kuha ni Justinne Punsalang

Dead on the spot ang isang dating miyembro ng Philippine Marines matapos itong pagbabarilin sa IBP Road sa Barangay Commonwealth sa Quezon City.

Kinilala ang biktimang si Elmer Paulino, 39-anyos na natanggal sa pagiging miyembro ng Marines dahil sa absence without leave (AWOL).

Ayon sa kinakasama nito, gusto nang bumalik sa serbisyo ni Paulino at noong nakaraang buwan aniya ay nagpunta na ng Camp Aguinaldo ang biktima para lakarin ang kanyang pagbabalik-serbisyo.

Matapos matanggal sa serbisyo ay namasada ng tricycle si Paulino.

Inamin naman ng kanyang kinakasama na dati itong gumagamit ng iligal na droga, ngunit giit nito, matagal nang tumigil ang biktima sa paggamit ng shabu.

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad, pasakay na sana ng kanyang tricycle para mamasada si Paulino nang lapitan ng isang lalaki na nakasuot ng face mask at malapitang pagbabarilin.

Tama sa ulo at likod na tumagos sa kanyang dibdib ang tumapos sa buhay ni Paulino.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa pamamaslang.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...