Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-82 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines na ginanap sa Camp Aguinaldo.
Sa kanyang talumpati, kinilala ng Pangulo ang kabayanihan at katapangan ng mga sundalo, lalong-lalo na ang mga sundalong nakipagbakbakan sa Marawi City.
Nagpasalamat rin ang Pangulo sa serbisyong iniaalay ng mga miyembro ng AFP para matiyak ang kaligtasan ng bansa.
Sinabi rin ng Pangulong Duterte na simula sa susunod na taon, bibigyan niya ng P50 Million kada buwan na budget ang V. Luna Hospital at AFP General Hospital kung saan dinadala ang mga nasusugatang sundalo.
Paliwanag ng Pangulo, pati mga retiradong sundalo ay makikinabang rin sa libreng pagpapagamot sa mga nabanggit na ospital.
Sinabi rin ni Duterte na nakalaan rin sa 2018 national budget ang pondo para matulungan ang mga anak ng mga sundalo na makapagtapos ng kolehiyo.
Sa kanyang talumpati ay kanya ring ipinaliwanag na simula sa unang araw ng 2018, doble na ang sahod ng mga sundalo gaya ng kanyang ipinangako noong panahon ng kampanya.
Paliwanag ng Pangulo, pinilit niyang maipasa ang pagtaas sa sweldo ng mga sundalo dahil ipinangako niya ito at kung hindi umano ito naipasa, maaring nagbitiw na siya sa pwesto.