Pinagbigyan ng Sandiganbayan ang hiling ng mga anak at kapatid ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles na maibaba ang kanilang pyansa may kaugnayan sa P900 Million Malampaya fund scam.
Base sa resolusyon ng Sandiganbayan 3rd Division, sa halip na kailangang magbayad ng P22.3 Million bawat isa na nauna nang itinakda ng anti-graft court, sina Jo Christine at James Christopher Napoles at ang kanilang tiyuhin na si Ronald Francisco Lim ay pinagbabayad na lamang ng P5,577,500 bawat isa o 75 porsyentong mas mababa sa naunang itinakda ng korte.
Dahil sa naging pasya ng korte mula sa kabuuang P66.9 Million na dapat bayarang piyansa bumaba ito sa P16.83 Million.
Para sa 97 counts ng paglabag sa R.A 3019 o anti-graft and corrupt practices act at malversation through falsification of public documents ng bawat isang akusado dapat sana ay magbabayad sila ng P30,000 bawat isa para sa graft charges pero sa naging paborableng desisyon ng Sandiganbayan ay bumaba ito sa P7,500 at mula sa P200,000 para sa malversation magbabayad na lamang ang bawat isa ng P50,000.
Nauna rito, hiniling ng mga akusado na ibaba sa P690,000 ang kanilang pyansa bawat isa dahil sa hindi ng mga ito kayang bayaran ang P22 Million na naunang itinakda ng hukuman.