Pagpapatupad sa HOV lane policy sa EDSA, nagpapatuloy ayon sa MMDA

Nilinaw ng Metro Manila Development Authority na ipinatutupad pa rin ang high-occupancy vehicle o HOV lane policy sa EDSA, pero ang mga lalabag ay hindi muna sisitahin.

Ayon kay MMDA assistant general manager for planning Jojo Garcia, nagpapatuloy pa rin ang dry run sa nasabing polisiya pero hindi muna huhulihin ang mga lalabag.

Hanggang ngayon aniya ay isinasagawa ang dry run para makita kung epektibo ba ang HOV lane policy.

Sinabi ni Garcia na hindi dahilan ang kawalan ng thermal camera at kulang na traffic enforcer para matigil ang pagpapatupad sa nasabing polisiya.

Pero sa kabila ng pansamantalang hindi paninita ng mga traffic enforcer, umaasa si Garcia na magiging disiplinado pa rin ang mga motorista.

Noong nakaraang December 11 sinimulan ng MMDA ang dry run para sa HOV lane, kung saan lahat ng mahuhuling lalabag ay pagmumultahin ng P500.

Una nang sinabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago na nahihirapan ang mga traffic enforcer sa na makita kung ilan ang pasahero sa loob ng isang sasakyan na heavily-tinted.

Ang HOV lane, na nasa fifth at leftmost lane sa EDSA ay para lamang sa mga sasakyan na hindi bababa sa dalawan ang sakay.

Read more...