Nagsimula nang sumipa ang presyo ng mga paputok sa Bulacan ngayong nalalapit na ang Bagong Taon.
Halimbawa nito ang kuwitis mula P2.50 na P7 na ang halaga, at sawa mula sa dating P125 kada piraso na aabot na sa P250 ngayon.
Bunga ito ng mababang supply pero mataas na demand sa mga paputok.
Nabawasan ang mga gumagawa ng paputok na nag-renew ng kanilang lisensya ngayong taon.
Ayon kay Chief Insp. Stephen Requina, Bulacan provincial fire marshal, 17 manufacturers lamang ang nag-renew ng lisensya, mas kaunti kumpara sa 30 noong nakalipas na taon.
Gayunman, nadagdagan naman ang bilang nga mga nag-apply ng lisensya para magbenta ng mga paputok at iba pang pyrotechnic products noong Hunyo. Ani Requina, 97 dealers ang nag-apply ng lisensya.
Ayon kay Lea Alapide, kinatawan ng Bocaue sa Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Association Inc., bunsod ito ng Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo.
Nakasaad sa EO 28 na maaari lamang sindihan ang paputok sa fireworks display areas na inilaan ng lokal na pamahalaan. Hindi naman sakop nito ang pyrotechnic products gaya ng luces.