Humihingi ng pang-unawa si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taga Biliran kung bibilangin pa ng ilang araw ang pag-aayos sa mga nasira ng bagyong Urduja.
Sa pakikipagpulong ng pangulo sa mga local officials at cabinet secretaries sa Naval Biliran, sinabi nito na hindi kasi biro ang mga nasirang tulay, kalsada at iba pang imprastraktura ng bagyo.
Hiniling ng pangulo kay Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar na tapusin ang pag-aayos sa mga nasirang tulay hanggang sa January 15 ng susunod na taon.
Hinimok din ng pangulo ang kanyang mga cabinet secretaries na agad na ibalik sa normal ang pamumuhay hindi lamang sa mga taga Biliran kundi maging sa iba pang mga lugar na sinalanta ng bagyong Urduja.
Pinatitiyak din ng pangulo na maayos na gumagana ang mga airport at seaport sa Region 8 para masiguro ang connectivity at hindi mapuputol ang suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga nabiktima ng bagyo.