Ikinagalit ng Malacañang ang ginawang pag-ambush ng New People’s Army sa mga sundalo ng 20th Infantry Battalion ng Philippine Army na may dalang relief goods at magssagawa sana ng humanitarian assistance and disaster response operations sa Brgy. Hinagonoyan sa Catubig, Samar para sa mga biktima ng bagyong Urduja.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi lang nakalulungkot kundi talagang nakagagalit ang ginawa ng mga komunista.
Patunay lamang ito ayon kay Roque na traydor ang teroristang grupo.
Dagdag pa ng kalihim, war crime na ang ginawa ng NPA sa ilalim ng international humanitarian law.
Ayon kay Roque, “Iyan po talaga ay hindi lang nakakalungkot, nakakagalit, iyan po ay talagang patunay na traydor po talaga ang CPP-NPA”.
Hindi aniya dapat na inaatake ang isang sundalo kapag mayroong ginagawang humanitarian mission kaya tama lamang na hindi na sila pagkatiwalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi na sila lumalaban ng naayon sa mga umiiral na batas.
“Pero iyan po talaga ang problema natin sa NPA, hindi po sila lumalaban sang-ayon sa batas na umiiral pagka ganoong labanan at sila po talaga ay hindi mapapagkakatiwalaan”, dagdag pa ni Roque.
Samantala, nakarating na sa lalawigan ng Biliran ang kauna-unahang batch ng relief goods mula sa national government.
Ayon kay Roque, sakay ng military C130 plane nang dalhin ang mga relief goods na ipamamahagi sa Biliran na nabiktima ng bagyong Urduja.
Pupunta sa Biliran ang pangulo para personal na alamin ang kalagayan ng mga nabiktima ng bagyo.