Bilang bahagi ng kanilang Oplan Isnabero sa mga pasaway na taxi driver ngayong magpa-Pasko, nagsagawa ng inspeskyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Mismong si Atty. Aileen Lizada, Spokesperson ng LTFRB ang nag-abang at nanita sa mga nangongontrang taxi driver na namimili ng mga isasakay na pasahero.
Kabilang sa nasampolan si Magno Paredez, na naaktuhang hindi pinapatakbo ang kaniyang metro. Depensa niya, kakilala niya naman ang kanyang pasahero at may kasunduan na talaga sila kung magkano ang ibabayad sa kaniya.
Natiyempuhan din si Jose Salcedo na nagpresyo ng P150 sa kanyang pasahero na papunta lang ng Buendia.
Ayon kay Lizada, bawal na bawal ang mga ganitong klaseng istilo ng mga tsuper dahil sinasamantala nito ang mga pasahero. Ikinuwento niya rin na sa kaniyang pag-iikot ay may mga taxi na hindi nakapila sa taxi lane dahil ang katwiran ng mga ito ay gagarahe na sila pero sa totoo ay nag-aabang lang din ng mga pasahero.
P120,000 ang multa na maaring ipataw sa mga operator ng taxi na nahuli ang mga driver na nangongontrata. Ipapatawag din sila sa opisina ng LTFRB para sa hearing.
Samantala, nagbabala naman ang LTFRB sa publiko na i-report agad sa kinauukulan kapag nabiktima sila ng mga nangongontartang taxi driver.
Narito ang report ni Mark Makalalad: