AFP kinondena ang pag-atake ng NPA sa relief ops sa Samar

 

FB Photo | Jhon Lloid Catuday Orsolino

Mariing kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-atake na ginawa ng New People’s Army sa convoy ng mga sundalo na naghahatid lamang ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong Urduja sa Samar.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo, maghahatid lamang sana ng mga relief supplies ang mga tauhan ng 20th Infantry Battalion ng Army sa bayan ng Catubig nang tambangan ang mga ito ng mga rebelde sa Bgy. Hinagonoyan.

Dahil sa insidente, dalawang sundalo ang nasugatan.

Ayon kay Arevalo, ipinakita lamang ng teroristang NPA ang kanilang tunay na kulay sa pag-atakeng ito sa mga sundalong maghahatid lamang ng tulong sa mga biktima ng bagyo.

Dahil aniya sap ag-atakeng ito ay lalo lamang pinagtibay ang dahilan kung bakit kinailangang itigil na ng gobyerno ang pakikipag-usap sa komunistang grupo.

Dagdag pa ni Arevalo, hindi lamang ang mga sundalo ang naapektuhan sa pagsalakay ng NPA sa Samar kung hindi ang buong sambayanan.

Ito’y dahil naapektuhan dito ang hangarin ng mamamayan na tulungan ang kapwa nila na noong mga panahong iyon ay labis na nangangailangan matapos masalanta ng bagyo ang kanilang lugar.

Read more...