Ayon sa PAN Asia Pacific (PANAP) na isang advocacy group, mahigit dalawang tao ang napapatay kada linggo na may kinalaman sa pagdepensa sa kanilang mga karapat sa lupa laban sa pamahalaan, pribadong mga kumpanya, maging mga kriminal.
Kasama na rin dito ang mga nananamantala sa mga lupain para makakuha ng troso, mga mineral, at palm oil.
Ayon sa PANAP, simula January 1 hanggang November 30, hindi bababa sa 116 katao sa buong mundo ang napapatay. Kabilang sa mga nabibiktima ang mga magsasaka, katutubo, at mga aktibista. One-tenth mula sa naturang bilang ay pawang mga kababaihan.
Sa datos ng PANAP, ang mga biktima ngayong taon ay mas mababa sa 171 na napatay noong nakaraang taon.
Sa Pilipinas, 61 ang mga biktima ng land-rights killings. Sinundan ito ng Brazil na may 22 biktima.
Samantala, sa datos ng Global Witness na isa ring advocacy group na naka-base sa United Kingdom, nasa 170 na ang napapatay sa buong mundo ngayong taon na may kinalaman sa pakikipaglaban sa karapatan sa lupa.
Mahigit kalahati sa mga naitalang paglabag sa karapatan sa lupa ay kagagawan ng mga mining companies, plantation, planta ng kuryente, mga infrastructure projects, at mga real estate developments.