Sa layuning hindi magamit sa transportasyon ng droga, pinulong na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang local-based
foreign express delivery at domestic courier services sa bansa.
Ginawa ang nasabing pag-uusap noong nakaraang December 14, 2017 para talakayin ang mga security measures na dapat gawin
upang maharang at mapigil ang smuggling ng mga iligal na droga gamit ang mail at parcel system.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ikinasa niya ang pagpupulong sa gitna ng mga ulat ng mga nahuhuling shabu, cocaine
at ecstacy sa loob ng mga selyadong package na pumapasok sa bansa.
Kabilang sa napag-usapan sa pulong ang iba’t ibang paraan kung paano nalalaman ng courier companies kung may droga ang mga
package, tulad ng paggamit ng narcotic detection dogs at x-ray ng mga kahinahinalang padala.
Hiniling din ng PDEA sa courier companies na maglaan ng kuwarto para sa kanilang mga ahente upang ma-inspeksyon ang mga
padala na may droga sa layunin namang maiwasan ang mga security breach at inside job.
Sinabi pa ni Aquino na regular na nagsasagawa ng random K9 sweeping ng mga package ang PDEA sa lahat ng cargo terminals sa buong bansa na nagresulta na sa pagkakumpiska ng 102 padala na naglalalaman ng milyon milyong halaga ng droga at pagkakahuli ng mga consignee nito mula noong 2013.