Tatlo katao, kasama ang dalawang taong gulang na bata, ang namatay bunsod ng pananalasa ng Bagyong Urduja.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, patuloy ang pag-validate ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga napaulat na biktima.
Sa inisyal na impormasyon, sinabi ni Jalad na nalunod ang isang bata sa baha sa Mahaplag, Leyte habang namatay naman ang isa pang biktima bunsod ng nangyaring landslide sa kaparehong lugar.
Nawala naman ang isa sa dalawang mangingisda sa bahagi ng Dinagat Islands.
Maliban dito, nakatanggap rin umano ang ahensiya ng impormasyon tungkol sa mga nawawala at sugatang residente dahil sa landslide.
Aniya, anim ang hindi pa rin nahahanap mula sa Eastern Samar, tatlo naman sa Biliran, Leyte habang aabot naman sa apat ang sugatan sa Leyte, dalawa mula sa Biliran at dalawa sa Tacloban.
Samantala, sa 11:00 am weather bulletin ng PAGASA, tinatahak ng Bagyong Urduja ang direksyon pa-Kanluran sa bilis na 15 kph, may lakas na 80 kph at pagbugsong aabot sa 110 kph.
Inaasahan namang pag-landfall ng bagyo sa Northern Samar at Samar ngayong hapon o mamayang gabi.