Photo shoot ng apo ni Pangulong Duterte sa loob ng Malakanyang, idinepensa ni Sec. Roque

Walang nilalabag na batas ang apo ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Isabella Duterte nang mag-pictorial ito sa loob ng Malakanyang para sa kanyang debut o 18th birthday.

Pahayag ito ng Malakanyang matapos mag-viral ang mga picture ng anak ni Davao City Mayor Paolo Duterte sa loob ng palasyo.

Paliwanag ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi na dapat na gawing isyu ang photo shoot ni Isabelle sa loob ng palasyo dahil kung tutuusin dapat ay nakatira nga sa loob ng Malakanyang ang buong pamilya ng pangulo subalit pinili ng mga ito na hindi na manirahan doon.

Gaya aniya ng ordinaryong mamayan, maari namang makapagpicture ang sinuman sa loob ng palasyo.

Sa isinagawang photo shoot, makikita si Isabelle na naka-pose at naka-gown at ang background nito ay ang presidential seal.

Humihirit din si Roque sa mga kritiko na huwag nang kuluyan ang pagpaparty ng ilang mga malalapit na kaibigan ng pangulo sa Malago Club House dahil hindi naman pera ng bayan ang ginagastos sa party.

Kaya lang naman aniya ginagawa ang mga party sa Malago dahil ayaw na ng pangulo na lumabas ng Malakanyang.

Matatandaang kamakailan lamang, sa Malago isinagawa ang reception ng binyag ng anak ni Robin Padilla pati na ang birthday party ni Congressman Lord Allan Jay Velasco na anak ni Supreme Court Associate Justice Presbitero Velasco.

 

 

 

 

 

 

Read more...