Emergency water interruption, mararanasan sa ilang bahagi ng Valenzuela City

 

Naglabas ng emergency water interruption advisory ang Maynilad para sa kanilang mga consumers sa Valenzuela City.

Sa post sa kanilang Facebook page, sinabi ng Maynilad na magsasagawa sila ng emergency water interruption sa kahabaan ng Mc Arthur Highway sa kanto ng CJ Santos, na kaharap ng Valenzuela City Hall.

Ayon sa Maynilad, alas-5:00 ng umaga ng Biyernes, December 15 mawawalan ng tubig ang mga Barangay ng Karuhatan, Gen. T. De Leon, Malinta, Maysan at Marulas sa nasabing lungsod.

Bagamat nakapagbigay sila ng oras ng pagsisimula ng kanilang pakukumpuni, sinabi ng Maynilad na hindi pa nila matukoy kung hanggang kailan magtatagal ang pagkaantala ng kanilang serbisyo.

Posible din anilang mapahaba ang pagkawala ng tubig dahil sa iba’t ibang factors tulad ng “difficult site conditions” na maaring ikabagal ng kanilang pakukumpuni, at ang volume of withdrawal ng tubig mula sa kanilang network.

Dahil dito, umapela ang Maynilad ng matinding pang-unawa mula sa kanilang mga consumers na maaapektuhan.

Kamakailan ay naglabas ng hinanakit si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa kaniyang Facebook page tungkol sa aniya’y “bad performance” ng Maynilad.

Ayon kasi sa alkalde, 24 buwan na niyang sinasabi sa Maynilad na ayusin ang dapat ayusin, ngunit hindi aniya kumikilos ang kumpanya.

Mayroon man aniyang ginawa ang mga ito, wala pa ring nangyari.

Pinuna rin ng alkalde ang hindi maayos na pag-aayos ng Maynilad sa mga kalsadang kanilang binabakbak sa tuwing may inaayos na linya ng tubig.

Wala aniyang pakialam ang mga ito at isa aniyang “big bad business” ang Maynilad.

Read more...