‘Heneral Luna’, napili bilang pambato ng Pilipinas sa Oscars 2016

From Heneral Luna Facebook page
From Heneral Luna Facebook page

Opisyal nang napili ang pelikulang “Heneral Luna” para maging pambato ng Pilipinas sa 2016 Academy Awards o mas kilala bilang Oscar Awards sa ilalim ng kategoryang Best Foreign Language Film.

Ito ay inanunsyo ng Film Academy of the Philippines sa pamamagitan ng kanilang director general na si Leo Martinez kahapon.

Ang kumite naman na itinalaga para sa pagpili kung anong pelikula ang kakatawan sa Pilipinas sa Oscars ay pinamumunuan ng filmmaker na si Mel Chionglo, kasama ang mga miyembrong sina Lorna Tolentino, Michael de Mesa, Lee Meiley, Joe Carreon, Boy Binarao at Rolando Tolentino.

Ayon kay Chionglo, kasama sa mga napagpilian ay ang “Taklub” ni Brillante Mendoza at “Hari ng Tondo” ni Carlitos Siguinon-Reyna.

Bagaman lahat ay may bitbit na katangian para ipadala sa Oscars, halos “unanimous” ang naging pagpili ng mga miyembro sa “Heneral Luna” dahil sa magaling na direksyon at pagganap ng mga aktor.

Dagdag pa ni Chionglo, ipinakita ng pelikulang ito ang positibong katangian ng Pilipino na sa tingin niya’y magugustuhan sa buong mundo; ito ang katapangan para ipaglaban ang bayan.

Tinatayang umabot sa P80 milyon ang nagastos sa nasabing pelikula na ginawa ng Artikulo Uno Productions na unang lumabas sa mga sinehan noong Sept. 9.

Ani Chionglo, kung nagawa ng mga producers na makalikom ng ganito kalaking pera para maisakatuparan ang pelikula, malamang ay may malaking pagkakataon ito na ma-nominate.

Read more...