Ayon sa isa sa mga survivors na pumunta sa pulong ngunit tumangging magpakilala, nais lamang ng pangulo na malaman ang katotohanan direkta mula sa kanila.
10 sa 13 na miyembro ng 84th Special Action Company o Seaborne na namuno sa pagsugod sa pinagtataguan ng teroristang si Zulkifli bin Hir alyas “Marwan” ang nakasama ng Pangulo noong Biyernes.
Ang nasabing pagpupulong ay kinumpirma rin ni Philippine National Police Director General Ricardo Marquez, at sinabing maganda naman ang kinalabasan nito at sa katunayan ay natuwa ang pangulo sa pagsasalaysay ng pinuno ng grupo sa mga pangyayari.
Tumagal ng tatlong oras ang pulong na nagsimula ng alas kuwatro ng hapon, kung saan pinasalamatan ng mga survivors ang Pangulo sa kaniyang talumpati na luminaw sa katotohanan.
Dagdag pa ng survivor, sa tingin naman nila ay kumbinsido ang pangulo sa pagsasalaysay nila ng katotohanan.
Matapos naman ng pulong, nilibot pa sila ng Pangulo sa Malacañang at dinala sila sa lugar kung saan siya nagtatalumpati.
Samantala, napag-usapan rin aniya sa kanilang pulong ang mga karangalang matatanggap ng SAF troopers para sa katapangan na kanilang ipinakita.
Ayon kay Marquez, isang Seaborne trooper ay nakatakdang makatanggap ng Medal of Valor, at ang iba pa ay pararangalan naman ng ikalawang pinakamataas na parangal – ang distinguished conduct medal.