Ito ang tagpong kinasasabikang mangyari ng kanilang pamilya matapos nilang malaman na nahuli sa Thailand ang magkapatid na nasa likod ng pagpatay sa kaniyang asawa.
Gayunpaman, nag-aalala at nagdu-duda pa rin si Patty na baka makalusot pa rin sa hustisya ang mga suspek, dahil aminado siyang nasa isip pa rin nila na mabagal ang pagpapairal ng hustisya sa ating bansa.
Aniya, kung nakayanan nga nila makalusot sa immigration, hindi malabong pati ang hustisya ay malusutan nila lalo pa’t marami silang lamang kung ikukumpara sa kanila dahil mayaman at ma-impluwensiya ang mga Reyes.
Dagdag ni Patty, hindi pa rin sila makakampante hangga’t hindi nila nakikitang nakaposas at nakakulong ang mga Reyes.
Lubos na hinihiling naman ng panganay ni Gerry na si Michelle Ortega na malaki ang magagawa o mapabilis ng pagkakahuli sa mga Reyes ang nakabinbin na kaso laban sa kanila.
Ani Michelle, nais nilang makasiguro na ma-deport na agad ang dalawa para maikulong sa regular na kulungan at maiharap na sa korte.
Halos limang taon ang hinintay ng pamilya Ortega kaya naman labis nilang ikinagulat ang pagkakahuli sa dalawa.
Ayon sa isa pang anak ni Gerry na si Mica, bagaman hindi nila ito masyadong inaasahan, pero nang mangyari na ito ay nagkaroon muli sila ng pag-asa na makamit ang hustisya.
Nang tanungin naman si Justice Secretary Leila de Lima kung saan ikukulong ang dalawa oras na maibalik sila dito sa bansa, iginiit nito na depende ito sa korte, pero habang wala pang desisyon na lumalabas, marahil ay sa National Bureau of Investigation o sa Camp Crame, Quezon CIty muna sila pansamantalang ikulong.