Maituturing na isang naturalized Filipino citizen si Senador Grace Poe.
Ito ang pananaw ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na siya ring chairman ng Senate Electoral Tribunal na naglunsad ng oral argument kanina sa disqualification case na inihain sa senadora.
Paliwanag ni Carpio, pasok ang sitwasyon ni Sen. Poe sa ilalim ng Article 4, Section 1 (5) ng 1935 Constitution.
Sa ilalim aniya ng naturang batas, kinukunsidera bilang mga citizen ng Pilipinas ang mga “naturalized in accordance with the law.”
Dagdag pa ni Carpio, bawat nilalang ay may karapatan na magkaroon ng sariling nationality at ang estado ay dapat na iniiwasan ang pagiginig ‘stateless’ ng isang tao batay sa international law.
Gayunman, nilinaw ni Carpio na bilang isang ‘foundling’ hindi maaaring makunsidera ang senadora bilang isang natural born dahil magiging labag ito sa Saligang Batas.
Matatandaang kinukuwestyon ni Rizalito David ang citizenship ni Sen. Poe dahil sa pagiging isang ‘foundling’ nito at hindi tukoy ang mga tunay nitong magulang kaya’t hindi siya maikukunsidera na isang natural born Filipino.