Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni House Justice Committee Chairman Rep. Reynaldo Umali walong justices ang naghayag ng kahandaan na humarap sa pagdinig at ang nasabing bilang ay maituturing nang mayorya ng mga miyembro ng Mataas na Hukuman.
Kabilang sa mga nauna nang humarap sa pagdinig ay sina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Francis Jardeleza at Noel Tijam.
Tumestigo na din sa pagdinig ng komite si Court Administrator Jose Midas Marquez at si Retired Justice Arturo Brion.
Kung matutuloy sa pagharap sa impeachment hearing ang kabuuang walong kasalukukyang mahistrado ng Supreme Court, sinabi ni Umali na dapat nang mag-isip isip si Sereno.
Mangangahulugan kasi aniya ito na mayorya ng mga mahistrado ng Mataas na Hukuman ay gustong magsalita tungkol sa impeachment complaint laban sa punong mahistrado.
Una nang sinabi ng komite na sa Enero sa susunod na taon na muli sila magsasagawa ng susunod na pagdinig sa isyu.
Kinakailangan kasing tutukan ng Kamara sa nalalabi nilang araw para sa sesyon ang iba pang mahalagang usapin gaya ng hirit na extension sa martial law sa Mindanao.