De Castro, aminadong nadismaya sa pagkakatalaga kay Sereno bilang chief justice

Inamin ni Supreme Court Associate Justice Teresita de Castro na isang “disappointment” para sa kaniya ang appointment o pagkakatalaga ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kaniyang posisyon.

Inihayag ito ni De Castro sa kasagsagan ng pagdinig ng House Committee on Justice para matukoy kung may probable cause ang impeachment complaint laban kay Sereno.

Matatandaang si dating Pangulong Benigno Aquino III ang nagtalaga kay Sereno bilang punong mahistrado noong 2012, habang isa si De Castro sa mga napag-pilian.

Ayon kay De Castro, batid niyang dalawang taon pa lamang bilang associate justice noon si Sereno, at siya pa ang pinakabata sa lahat ng mga nasama sa shortlist.

Tumanggi naman na ang mahistrado na magkomento tungkol sa pagiging associate justice noon ni Sereno.

Gayunman, naniniwala si De Castro na ang mahalaga ay kailangang nauunawaang maigi ng itinatalagang chief justice ang batas, ang court procedure at kung paano mamahala ng malaking institusyon tulad ng hudikatura.

Pero sinabi rin ni De Castro na bukod sa mga katangiang nabanggit, ang chief justice ay dapat lubos na mapagkakatiwalaan.

Kailangan din aniyang pinagkakatiwalaan siya ng mga justices ng korte dahil marami siyang ginagawang desisyon na hindi naman nila kayang bantayan oras-oras.

Maliban kay De Castro, dumalo din sa pagdinig sina SC Associate Justices Noel Tijam at Francis Jardeleza at retired Associate Justice Arturo Brion.

Read more...