Ayon kay PDEA Director Gen. Aaron Aquino, nagkaroon kasi ng negatibong kahulugan para sa publiko ang mga katagang “tokhang” at “double barrel” na ginamit sa mga oplan ng Philippine National Police (PNP).
Ani Aquino, bagaman ang kahulugan ng “tokhang” ay pagkatok at pakikiusap sa mga drug suspects na sumuko, pag-patay o patayan agad ang pumapasok sa isip ng publiko kapag ito ang naririnig.
Ito aniya ang dahilan kung bakit dapat nang itigil ang paggamit sa katagang ito.
Suhestyon ni Aquino, huwag nang gumamit ng slogans at gawin na lamang “plain buy-bust operations.”
Gayunman, nilinaw ni Aquino na iminumungkahi lang naman niya ito at nasa kamay pa rin ng PNP kung patuloy silang gagamit ng slogan.
Nalagay aniya kasi sa alanganin ang pangalan ng PNP dahil sa tokhang, na kalaunan ay ginawa namang “Oplan Double Barrel.”
Dagdag pa ng hepe ng PDEA, ang pag-aalis ng slogan ng PNP ay magbibigay ng bagong simula para sa Department of Interior and Local Government (DILG) at sa susunod na hepe ng PNP.