Ang liham na pirmado ni Duterte ay ipinadala na sa Senado at sa Kamara at naka-address kina Senate President Aquilino Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Kabilang sa tinukoy na dahilan ng pangulo para sa martial law extension ay ang patuloy na banta ng terorismo at rebelyon sa rehiyon.
Dahil aniya sa nasabing banta, ang Mindanao ay maituturing ngayon na “hotbed of rebellion.”
Kinakailangan aniya ng isang taon na extension para tuluyang masawata ang “Daesh-inspired Da’awaful Islamiyah Waliyatul Mastiq (DIWM)”, mga local at foreign terrorist group, armed lawless groups, communist terrorists, kanilang mga tagasuporta, coddlers, at financiers.
Tinukoy din sa liham ni Duterte ang “Turaifie Group” na successor ni Isnilon Hapilon na umano ay na-monitor na nagpaplanong umatake at magsagawa ng pambobomba sa Cotabato.
Dahil sa nabanggit na mga dahilan, sinabi ng pangulo na kailangang palawigin pa ang martial law sa Mindanao mula January 1, 2018 hanggang sa December 31, 2018.