P4.1B, nawawala sa ekonomiya ng bansa araw-araw dahil sa traffic ayon sa bagong pag-aaral ng JICA

Nawawalan ng aabot sa P4.1 billion bawat araw ang ekonomiya ng bansa dahil sa tindi ng problema sa traffic sa Metro Manila.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Mark de Leon, ito ang lumabas base sa pinakabagong pag-aaral na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ngayong taon.

Ang nasabing datos ay halos dumoble kung ikukumpara sa ginawang pag-aaral ng JICA noong taong 2014, kung saan lumabas na P2.4 billion ang nawawala sa bansa dahil sa traffic congestion.

Ayon kay De Leon, ang hindi magandang public transportation ang dahilan sa patuloy na paglala ng sitwasyon ng traffic sa Metro Manila.

Aminado si De Leon na “napaka-inconvenient” ng public transportation sa bansa kaya ang mga tao ay ayaw nang mag-commute.

Ito aniya ang dahilan kaya isinusulong ng DOTr ang PUV modernization program para mabigyan ng mas ligtas at komportableng transportasyon ang publiko.

Samantala, sa isinagawang pagdinig sa Senado, pinayuhan ni Sen. Grace Poe ang DOTr at ang transport sector na magbigayan sa usapin.

Aniya, ang isinasagawang pagdinig ng Senate committee on public service ay para alamin ang kailangang solusyon hinggil dito.

Bilang chair ng nasabing komite, nangako naman si Poe na papakinggan ang lahat ng partido na maapektuhan ng implementasyon ng naturang programa.

Samantala, nagpasalamat ang senador sa mga jeepney drivers at operators sa pagtugon sa kaniyang kahilingan na isantabi ang planong tigil-pasada noong December 4 at 5, 2017.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...