Iginiit ni dating Health Sec. Enrique Ona na ang kanyang successor sa Department of Health ang responsable sa kontrobersyal na dengue vaccination program ng ahensya gamit ang Dengvaxia.
Ayon kay Ona, ang sumunod sa kanya na namuno sa DOH ang dapat sisihin sa lahat ng naging desisyon kaugnay sa kontrobersyal na Dengvaxia.
Si Ona ang kalihim ng DOH simula June 2010 hanggang December 2014.
Sumunod sa kanya bilang Kalihim ng DOH si Janette Garin na nanilbihan sa pagitan ng December 2014 hanggang June 30, 2016.
Sa kanyang apat na taong termino, sinabi ni Ona na ilang beses humiling ng pulong ang Sanofi Pasteur sa kanyang tanggapan kaugnay sa status ng clinical trial ng kanilang anti-dengue vaccine.
Inamin ni Ona na interesado siya sa vaccine program dahil laganap na ang sakit na dengue sa Pilipinas.
Pero aniya, hanggang sa matapos ang kanyang termino ay hindi naman nagbigay ng go signal ang Sanofi na handa na para gamitin ang Dengvaxia.
Sinabi ni Ona na ang tanging ibinigay sa kanya ng pharmaceutical firm ay hindi malinaw na panahon kung kailan na maaaring ilunsad ang vaccine program.
Wala na aniya siya sa DOH nang mabalitaan niya na binili ng kagawaran ang dengue vaccine na ibabakuna naman sa mga batang may edad siyam na taong gulang pataas.