Muling umapela ang gobyerno ng Libya sa Pilipinas na bawiin na ang ipinatupad na hiring ban sa mga Filipino workers.
Iginiit ng Libya na bumuti na ang sitwasyon ng seguridad sa kanilang bansa noon pang 2014.
Ayon kay Libyan Embassy charge d’affaires Ahmed Eddeb, naiintindihan niya ang pagkabahala ng gobyerno ng Pilipinas sa seguridad ng mga Pinoy workers.
Kung kaya’t aniya, hinihikayat niya ang mga opisyal ng Pilipinas na muling isalang sa evaluation ang sitwasyon ng Libya.
Malaki aniya ang naitutulong ang mga Pinoy sa ekonomiya ng Libya partikular na sa oil fields at humanitarian assistance sa mga ospital at clinic.
Sinabi ni Eddeb na kung mapanganib pa rin sa Libya ay hindi naman nila iaapela ang pagbawi sa hiring ban.
Matatandaang noong 2011, aabot sa 10,000 manggagawa ang isinailalim ng gobyerno ng Pilipinas sa repatriation at karagdagang 4,000 noong 2014 matapos sumiklab ang civil war sa Libya.