Dating hinihinalang pusher, arestado matapos totohanin ang pagtutulak ng droga sa QC

Arestado ang isang tulak ng droga matapos magkasa ng buy bust operation ang mga elemento ng Quezon City Police District Station 7 sa Cubao Annapolis, Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Alfonso Sidiaco alyas Bong na residente ng Barangay Pasong Tamo.

Ayon kay Police Supterintendent Benjie Tremor, hepe ng QCPD Station 7, batay sa kanilang imbestigasyon ay napag-alaman nilang halos araw-araw itong may pinagbebentahan at pinagdadalhan ng mga iligal na droga sa lugar.

Sa tapat ng isang barbershop naganap ang operasyon ng mga otoridad kung saan sampung medium sized na mga plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang narekober mula kay Sidiaco.

Tinatayang nasa P35,000 ang kabuuang street value ng nasabat na iligal na droga.

Aminado si Sidiaco na dati siyang gumagamit ng shabu. Ngunit ayon dito, ngayon lamang umano siya nagbenta ng iligal na droga.

Ayon pa sa suspek, dati na siyang nakulong matapos siyang mapagkamalang tulak ng iligal na droga at ngayon ay taga-deliver lamang siya ng shabu at hindi naman talaga isang tulak.

Mahaharap si Sidiaco sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...