Kinakailangang ma-develop ang mga malalayong probinsya para ma-decongest ang Metro Manila, ayon kay Senador Grace Poe.
Ipinahayag ito ni Poe kasunod ng babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging isang “dead city” ang Manila sa susunod na 25 taon.
Ayon kay Poe, chairperson ng senate committee on public services, dapat nang simulan ang development sa ibang probinsya nang pangmatagalan.
Dagdag ng senador, dapat ikunsidera ng bansa ang mga syudad ng London, New York, Rome at Tokyo na nakasabay sa mga pagbabago.
Sinabi ni Poe na magagamit ni Duterte ang emergency powers para sa pag-decongest sa Metro Manila.
Dahil dito, muling nanawagan si Poe kay Duterte na sertipikahang urgent ang panukalang emergency powers sa pangulo.
Sa pamamagitan aniya ng emergency powers, mapabibilis ang pagpapatupad ng mga proyekto ng bansa para sa transportasyon.