Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na inindorso na nito kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang taon pang extension ng martial law sa Mindanao batay sa rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay DILG officer-in-charge Catalino Cuy, kung ano ang naging rekomendasyon ng PNP sa pagpapalawig ng martial law sa rehiyon ay iyon ang kanilang inindorso sa pangulo.
Dalawa ang naging basehan ng PNP sa rekomendasyon: una ay para matugunan pa ang patuloy na banta ng terorismo sa Mindanao lalo’t hindi pa tuluyang nasasawata ang Maute terror group at ikalawa ay upang matutukan ang Marawi rehabilitation.
Ayon sa DILG, kung magpapatuloy ang banta ng terorismo ay maaapektuhan ang rehabilitation efforts sa lungsod.
Una nang kinumpirma rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na inirekomenda nila kay Pangulong Duterte ang extention ng martial law.