86 na residente ng Marawi, nasawi sa evacuation centers

Radyo Inquirer File Photo | Erwin Aguilon

Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng 86 na nasawi na mga evacuees mula sa Marawi City.

Ang nasabing bilang ay naitala mula May 23 hanggang unang bahagi ng kasalukuyang buwan ng Disyembre.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, kabilang sa ikinasawi ng mga evacuees ay mga sakit na pneumonia, sepsis, cardiovascular diseases, acute gastroenteritis, at prematurity.

Sa datos ng Health Emergency Management Bureau ng DOH, nasa 76 na evacuation centers ang ginamit para sa 2,532 na pamilya o katumbas ng 8,574 na katao.

Sa kabuuan, ang naganap na giyera sa Marawi ay nakaapekto sa 77,955 na pamilya o 367,990 na katao.

Pero sa ngayon, sinabi ng DOH na mayroon nang 106,598 na katao mula sa 40 barangay sa Marawi ang nakauwi na sa kani-kanilang mga bahay.

Ani Duque, patuloy ang DOH sa pagbibigay ng libreng medical check-ups para sa mga internally displaced person mula Marawi kahit mga nasa evacuation centers pa sila o nakauwi na ng bahay.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...