Ito ang kinumpirma ng isang security official sa Inquirer na tumangging pangalanan.
Ayon sa source, ang rekomendasyon ng mga ground commanders ay dumiretso sa Chief of Staff ng AFP.
Nais aniya ng mga opisyal na panatilihin ang suspensyon ng writ of habeas corpus upang mapadali ang pag-aresto sa mga indibibwal na may kinalaman sa mga terorista.
Ipinaliwanag ng source na mahalaga ang martial law dahil hindi maaaring arestuhin ang mga taga-suporta at financiers ng ISIS-inspired terrorists kung wala ang batas militar.
Dagdag pa niya, kasalukuyang ding binabantayan ng militar ang umano’y “tactical alliance” sa pagitan ng ISIS- inspired groups at ng rebeldeng New People’s Army (NPA).
Posible anya ito dahil naghahanap ng kakampi ang NPA.
Iginiit din ng source na kumpiyansa ang militar na aaprubahan ng pangulo ang pagpapalawig sa Batas Militar.
Idineklara ng Pangulong Duterte ang Martial Law sa Mindanao noong May 23 kasunod ng pag-atake ng ISIS-inspired Maute Terror Group sa Marawi City.
Nagtapos ito noong July 22 ngunit pinalawig ng Kongreso hanggang sa katapusan ng taon.