Ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr, karamihan sa mga kabataan ngayon ay hindi naabutan ang panahon ng Batas Militar, kaya naman hangad ng palasyo na malaman ng mga kabataan ngayon ang dinanas ng bansa sa ilalim ng malagim na Batas Militar, bago makamit ang demokrasya.
Aniya, kasabay ng papaunlad na ekonomiya ng bansa, mahalagang malaman ng mga kabataan ang mga aral ng Batas Militar, at ang pinagdaanan ng bansa, upang magabayan ang mga kabataan sa paglalakbay sa araw ng bukas.
Sinabi din ni Coloma na kailangang magkaisa ang bawat isa na hangarin na wag nang magkakaroon ng Batas Militar sa bansa.
Matatatandaan noong Sept. 21, 1972 nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Proclamation No. 1081, kung saan isasailalim ang bansa sa ilalim ng Batas Militar (Martial Law), upang mapanatili ang kaayusan ng bansa sa kamay ng pangulo.
Libu libong mga Pilipino ang dumanas ng pang aabuso sa ilalim ng diktador na si Marcos, kasama na ang ama ni Pangulong Noynoy Aquino, na si dating Senador Ninoy Aquino Jr.
Nagtapos ang panahon ng batas military noong Jan. 17, 1981 sa pamamagitan ng Proclamation No. 2045, isang buwan bago ang pagbisita ng Santo Papa ng Roma.
Idineklara ni Marcos na naging matagumpay umano ang isang “democratic revolution” upang mabago ang sistema sa edukasyon, seguridad, agrikultura, at ekonomiya.
Ipinaliwanag ni Coloma na isa sa pinakamadilim na kabanata ng kasaysayan ng bansa ang Batas Militar.
Ngunit sa kabila aniya ng hinahangad na seguridad ay ang marahas na panggigipit sa taumbayan, kaugnay ng iba’t ibang isyung kinasasangkutan ng mga grupo, upang tahasang hindi malabanan ang gobyerno.
Nagkaisa ang mga Pilipino, sa pamamagitan EDSA People Power Revolution noong Pebrero ng 1986, upang ganap na makuha ang demokrasya ng bansa.
Idinagdag pa ni Coloma na sa pamamagitan ng People Power, nanumbalik ang lakas ng mamamayan upang mahawakan muli ang kalayaan at ganap na kapayapaan sa bansa.
Sinabi naman ni Coloma na dapat maikintal sa mga kabataan ang kahalagahan rin nito sa kasaysayan upang makita ang kahalagahan ng demokrasya.