Duterte sa mga kawani ng gobyerno: ‘Wag kayong magpapaka-Hudas’

 

Screengrab/RTVM/Inquirer.net

Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bagong talagang opisyal ng pamahalaan na huwag siyang traydurin sa kaniyang kampanya laban sa katiwalian.

Sa kaniyang talumpati sa isinagawang mass oath-taking ng mga bagong appointees sa Malacañang, sinabi ng pangulo na ayaw niyang magkaroon ng isang Judas Iscariot sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.

Ani Duterte, ayaw niya na magsisimula ang mga kawani sa kanilang serbisyo nang may malinis na pakay ngunit kalaunan pala ay lalabas na sila rin ang mga tinutugis niya sa kaniyang kampanya.

Inihalintulad ni Duterte ang kaniyang sarili sa bantog na pintor na si Leonardo da Vinci na matagal naghanap ng kaniyang mga modelo para sa pagpipinta niya ng “The Last Supper.”

Ayon kasi sa pangulo, inabot umano ng nasa limang taon bago niya natapos ipinta ang ibang mga apostoles sa The Last Supper, ngunit may dalawa pa ring kulang.

Naging problema aniya kasi ni Da Vinci ang paghahanap ng modelo para kay Jesus Christ at kay Judas.

Dalawang taon pa ang lumipas aniya bago nakahanap ang pintor ng pagbabasehan niya para kay Jesus Christ.

Naghanap pa aniya si Da Vinci ng maaring maging modelo para kay Judas na mayroong “face of evil.”

Ayon sa pangulo, nang makahanap ang pintor ng gaganap bilang Judas, napag-alaman niya na iyon din pala ang una niyang naging modelo para kay Jesus Christ na napariwara ang buhay.

Kaya babala ng pangulo, huwag sanang mag-ala Jesus Christ ang mga ito na kalaunan ay magiging Hudas din pala.

Ang nasabing mass oath-taking ay kinabilangan ng 96 na presidential appointees at daand-daang private organizations, kabilang na ang Malacañang Press Corps.

Kasama sa mga nanumpa ay sina Department of Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella; board members of the Philippine Charity Sweepstakes Office Sandra Cam and Jesus Manuel “Bong” Suntay; Presidential Communications Operations Office Undersecretary Lorraine Marie Badoy; at Department of Social Welfare and Development Undersecretary Luzviminda Ilagan.

Read more...