Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatapatan niya ng pwersa ang anumang bantang pag-atake ng mga miyembro ng Coomunist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Inamin ng pangulo na tinangka niyang ayusin ang problema sa bansa sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa lahat ng mga grupo.
Pero naging matigas umano at pasaway ang mga komunista at pilit pa rin na iginigiit ang kanilang mga kagustuhan na imposible namang mangyari sa isang matinong lipunan.
Ayon sa pangulo, “I cannot give you what I do not own. Do not ask something which is not within my power to give”.
Sa ginawa niyang paglagda sa Proclamation No. 373, sinabi ng pangulo na ito na ang magiging pormal na basehan para sa pagdurog sa mga rebeldeng komunista.
Kanya ring inatasan ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na arestuhin ang mga lider ng komunistang grupo kasama ang kanilang mga consultants.
Tiniyak rin ng pangulo na mananagot sa batas pati ang mga legal fronts organization ng CPP-NPA at ang kanilang mga pinagkukunan ng pondo.
“Communist activities have gotten out of hand”, dagdag pa ng pangulo.
Samantala, sinabi naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na huwag nang umasa ang mga rebelde na magpapatupad ng suspension of military operations ang militar ngayong panahon ng kapaskuhan.
Kadalasan umanong nagsasagawa ng pagsalakay ang mga rebelde sa mga panahon kung kailan ipinatutupad ang tigil-putukan.