Pinabulaanan ng Philippine National Police ang balitang may papalit na sa pwesto ni PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Ayon kay PNP Spokesperson Dionisio Carlos, wala pang opisyal na papel na inilalabas ang Malacañang kaugnay ng susunod na PNP Chief.
Paliwanag ni Carlos, bago maglabas ng opisyal na statement ang PNP ay kailangang manggaling ang impormasyon sa tagapagsalita ng pangulo, o mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Carlos, kasama naman talaga sa tatlong pinagpilian noon na maging PNP Chief si Deputy Director General Ramon Apolinario.
Matatandaang inilabas sa ulat ng isang pahayagan ngayong araw ang balitang si Apolinario na ang papalit kay Dela Rosa matapos umano itong i-anunsyo sa isang summit sa Cebu.
Batay sa report, si Supt. Ercy Nanette Tomas, legal officer ng PNP Center for Police Strategic Management ang anim na beses nagbanggit sa pangalan ni Apolinario bilang susunod na PNP Chief.
Si PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa ay nakatakdang magretiro sa January 21, 2018 pagtuntong niya sa mandatory retirement age na 56.
Samantala, kung sakaling si Apolinario nga ang susunod na mamumuno sa PNP ay magsisilbi siya hanggang August, 2018.