Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ang proclamation at memorandum na nagsasabing isang teroristang grupo ang Communista Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na inaatasan rin ng pangulo ang Department of Justice na kaagad na gumawa ng petisyon sa Regional Trial Court para sa pagdedeklara sa CPP-NPA bilang teroristang grupo.
Ibinatay ng pangulo ang proklamasyon at deklarasyon sa R.A 10168 o Human Security Act.
Kasabay nito ay inatasan ng pangulo na arestuhin ang mga indibiduwal o grupo na nagbibigay ng tulong pinansiyal sa rebeldeng grupo.
Ipinaliwanag rin ni Roque na nakasalig ang naging kautusan ng pangulo sa naunang inilabas na depinisyon ng United Nations Security Council na tutukoy sa isang teroristang grupo.
Binanggit rin ng kalihim na hindi na dapat pang umasa ang makakaliwang grupo ng suspension of military operations (SOMO) para sa panahon ng kapaskuhan.
Nauna nang sinabi ng pangulo na kanyang ipaaaresto hindi lamang ang mga lider ng komunistang grupo kundi pati na rin ang mga legal fronts nito.
Hindi rin umano nakikipag-negosasyon ang pamahalaan sa teroristang grupo.