Nakapagbayad na ng piyansa si PISTON National President George San Mateo matapos arestuhin ng Quezon City Police District sa entrada mismo ng Quezon City Hall of Justice.
Oras na ganap na makalaya, iginiit ni San Mateo na lalong lumakas ang kaniyang loob matapos ang paghaharass at pag-aresto umano sa kaniyang ng mga pulis.
Pag-aamin nito, nakakadama din aniya siya ng takot ngunit mas nangingibabaw aniya ang takot niya na mawalan ng trabaho at pagkakakitaan ang mahigit 250,000 tsuper sa bansa.
Hinikayat din nito ang mga kasamahan na huwag matakot sa mga nagiging hakbang ng otoridad Ipagpapatuloy lang aniya lalo ng grupo ang kabi-kabilang tigil-pasada para iparating sa gobyerno ng kanilang pagkontra sa Jeepney Modernizarion Program.
Si San Mateo ay nahaharap sa kasong paglabag sa Commonwealth Act 146 o Public Service Law dahil sa pangunguna niya sa isang transport strike noong nakalipas na buwan ng Pebrero.
Umaabot sa P4,000 ang inilagak ni San Mateo na piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.