Tuluyan nang pinagtibay ng Supreme Court ang martial law na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Sa botong 10-3-1 tuluyang ibinasura ng SC en banc ang motion for reconsideration na inihain ng grupo nina Albay Representative Edcel Lagman, Eufemia Campos Cullamat at Norkaya Mohamad.
Sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi nito na paso na noong July 22, 2017 ang Proclamation No. 216 na pinagbatayan ng 60 araw na martial law sa Mindanao kaya walang merito at moot and academic na ang apela nina lagman.
Natatandaang pinalawig na rin ang batas militar ng Kongreso hanggang December 31, 2017.
Bumoto pabor sa pagbasura ng motion for reconsideration sina Justices Samuel Martires, Noel Tijam, Andres Reyes Jr, at Alexander Gesmundo,Presbitero Velasco, Teresita Leonardo-De Castro, Lucas Bersamin, Mariano Del Castillo at Estela Perlas-Bernabe.
Bumoto naman para pagbigyan ang ilang bahagi ng apela ng mga petitioner sina: Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Benjamin Caguioa habang tanging si Associate Justice Marvic Leonen ang pumabor sa mosyon.
Matatandaang noong July 4, 2017, nagpasya ang Korte Suprema na may matibay na basehan para sa deklarasyon ng martial law sa dahil malinaw na nanganganib ang kaligtasan ng publiko sa Mindanao dahil sa banta ng ISIS-inspired Maute group.