Atty. Larry Gadon, nasermunan ng mga mambabatas

Inquirer Photo | Grig Montegrande

Pinagalitan ng mga kongresista na miyembro ng House Committee on Justice si Atty. Lorenzo “Larry” Gadon dahil sa umano ay paglalahad nito ng mga hindi beripikadong pahayag kaugnay sa inihain niyang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ito ay makaraang magbigay ng pahayag sa media si Gadon at sinabing may mga nagpa-planong suhulan ang mga senador ng P200 milyon para mapawalang-sala si Sereno sa impeachment sakaling makarating ito sa Senado.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng house panel, sinabi ni AKO Bicol party-list Representative Alfredo Garbin na nitong weekend niya nadinig ang nasabing pahayag ni Gadon.

Ani Garbin, ang naturang statement ni Gadon na maituturing na unproven at unverified ay makaaapekto sa integridad ng house justice committee at ng buong sangay ng lehislatura.

Dahil dito, sinabihan ni Garbin si Gadon na manahimik na lang kung hindi naman niya kayangi-verify ang kaniyang mga sinasabi.

Pinagpapaliwanag naman ni Quezon City Representative Vincent Crisologo si Gadon hinggil sa naging pahayag nito at binalaan pang maisa-cite for contempt siya ng kamara.

Aminado naman si Gadon na hindi siya tiyak sa kaniyang inilahad at binanggit niya din sa panayam na siya mismo ay hindi naniniwala na mangyayari ang panunuhol.

Binigyan naman ni justice committee chairman Rep. Reynaldo Umali si Gadon ng limang araw para isumite ang kaniyang written explanation.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...