Nagdulot ng pangamba sa mga residente ng Brgy. 310 Zone 31 ang kahon na iniwan sa kahabaan ng Recto Avenue pasado alas-10:00 ng gabi.
Ang una kasing hinala ng mga residente ay naglalaman ito ng bomba.
Matapos mapansin na tila kahina-hinala, agad itinawag sa pulisya ang kahon para masuri.
Pagkatanggap ng tawag, rumesponde ang mga tauhan ng Manila Police District Special Weapons and Tactics (MPD SWAT) at kinordonan ang lugar.
Pinalayo din nila ang mga tao ng 25 metro sa lugar kung saan iniwan ang kahon.
Pagkadating naman ng mga tauhan mula sa Explosive Ordinance Division, nagsagawa sila Render Safe Procedure at pagbukas ng kahon, ang tumambad sa kanila ay pawang mga bote at basag na salamin.
Plano umanong itapon lang sana ang kahon pero iniwan ito sa lugar.
Agad na itinapon sa tambakan ng basura ang naturang kahon at binaklas ang mga kordon sa lugar.
Makaraan ang dalawang oras ay muli nang binuksan sa lugar ang daanan na bahagya ring nagdulot ng trapiko sa mga sasakyan na dumadaan.