Veteran journalist pumalag sa akusasyong propagandista ng CPP-NPA

 

Mula sa FB

Ikinabahala ng veteran journalist na si Inday Espina-Varona ang lumabas na ‘meme’ sa social networking site na Facebook na nagsasaad na propagandista siya ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Varona na direkta ang ginawang pag-aakusa sa kanya bilang kalaban ng estado dahil sa kanyang pagbabalita ukol sa karahasan at pagpatay sa mga Lumad sa Mindanao.

“Ito kasi planado, kung makita nyo ang meme ay talagang pinag-isipan, nag-research,” ani Varona.

Sinabi ni Varona na inilagay ang meme sa FB page na bumabanat sa palagay nila ay kalaban ng pamahalaan.

Kasama rin sa binabatikos si Tinay Palabay ng grupong Karapatan na isang human rights worker kung saan marami na sa mga miyembro ang pinatay.

Naniniwala si Espina-Varona na hindi lamang ito basta kritisismo dahil isa itong banta tulad ng pagturing bilang isang terorista.

Samantala, tiniyak ng beteranong mamahayag na na hindi nagmula sa Kampo Aguinaldo ang may kagagawan ng lumabas na ‘meme’ sa facebook na sinasabing propagandista siya ng CPP-NPA-NDF.

Ayon kay Varona, nagkausap na sila ni dating AFP spokesperson Major Harold Cabunoc at naging maayos naman ang kanilang pulong at nagpaliwanag ito sa kanya kaya tinitiyak nito na hindi ang opisyal ang may kagagawan ng naturang ‘meme’.

Sinabi nito na ilang elemento ng militar na may mga hawak sa mga nanggugulo sa mga Lumad sa Mindanao ang nasa likod ng nasabing ‘meme’.

Dapat ayon kay Varona na rendahan ng pamahalaan ang mga tao nito na hindi nakakaunawa sa kritisismo at walang alam sa batas.

Sinabi din ni Varona na di siya naniniwalang kailangang mag-armas ng kagawad ng media upang pangalagaan ang kanyang sarili. Hindi aniya Ito solusyon sa media killings.

 

Read more...