Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kongreso ang panukalang batas na layong hindi na obligahin ang mga pampublikong guro na magsilbi sa panahon ng halalan.
Ang House Bill 5412 ay inendorso na sa plenaryo ni Capiz Representative Frednil Castro, Chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
Layunin ng panukala na maliban sa mga guro ay maari na ring magsilbi sa eleksiyon ang iba pang government employees, mga kasapi ng citizen’s arm na accredited ng Comelec at mga pribadong mamamayan na may kaalaman at kakayahan na maglingod sa halalan.
Nakasaad din sa naturang hakbang na kapag hindi magka-interes ang isang guro na maglingkod bilang Board of Election Inspector ay maaring kunin ang iba pang kwalipikado na magsilbi sa botohan.