2 sibilyan patay sa pag-atake ng BIFF sa Maguindanao

 

Dalawang sibilyan ang nasawi habang pitong iba pa ang nasugatan sa pag-atake ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Shariff Aguak sa Maguindanao.

Nasawi ang mga biktimang kinilalang sina Unti Kamama, 60-anyos at kaniyang apo na si Mohammad, 13-anyos, dahil sa pagtatamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Base sa mga inisyal na ulat, sumalakay ang nasa 30 tauhan ng BIFF sa isang Army detachment sa Barangay Timbangan, Linggo ng gabi.

Dahil dito, nagkaroon ng bakbakan sa pagitan ng mga bandido at ng mga sundalo, habang isa pang grupo ng mga BIFF ang nagpaputok naman sa kalapit na residential area.

Nakilala naman ang mga sugatan na sin Pfc. Clinton Rigor ng 40th Infantry Battalion, Aila Amor, Tukay Kamama, at ang mga paslit na sina Ana, Butoh at Bai Tukay, pati na ang isang Ela Tayog.

Tahasan namang kinumpirma ng tagapagsalita ng BIFF na si Abu Misry Mama na ang nasabing mga pag-atake ay isinagawa ng paksyon na pinamumunuan ng isang Bongos bilang bahagi ng pinaigting nilang opensiba laban sa mga pwersa ng gobyerno.

Malakas naman ang hinala ni Maj. Gen. Arnel dela Vega na naghihiganti ang mga ito dahil sa pagkasawi ng kanilang mga kasamahan sa nagdaan nilang operasyon kung saan nakatuwang ng militar ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Read more...