Inerekomenda ng Manila Police District ang pagtatalaga ng security detail sa Manila Times reporter na si Jomar Canlas.
Kasunod ito ng pagdulog ni Canlas kay MPD Director CSupt. Joel Coronel tungkol sa kanyang natanggap na banta sa buhay ilang araw matapos na humarap sa pagdinig ng Kamara sa impeachement complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Coronel, maituturing na seryoso ang death threat laban kay Canlas sa pamamagitan ng text message na dalawang ulit na ipinadala sa kanya.
Kaugnay nito, hiningan ng General Assignment Section ng MPD si Canlas ng pormal na statement sa nasabing insidente.
Ipapa-trace din aniya nila ang cellphone number na ginamit para ipadala ang text message na naglalaman ng pagbabanta sa mamamahayag.
Irerekomenda din ni Coronel ang mabilis na proseso para makapagpadala si Canlas ng sarili nitong armas para ma-protektahan nito ang kanyang sarili.
Sa nasabing banta, sinabi ng anonymous sender na tatlo silang papatay sa mamamahayag at seryoso ang kanilang banta.
Pinayuhan din ng nagpadala ng mensahe na magbilin na sa kanyang asawa at anak si Canlas bago siya mamamatay.