Pumalag ang Malacañang sa hirit ni Senador Leila De Lima na paimbestigahan ang 8888 complaint hotline na itinatag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Senate Resolution 550 na inihain ni De Lima, pinaiimbestigahan sa kinauukulang komite sa Senado ang hotline dahil sa kabiguan na aksyunan ang mga reklamong inihahain laban sa mga tiwaling opisyal sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi pa kasi nasusubukan ni De Lima na tumawag sa 8888 dahil wala itong cellphone at mahigpit itong ipinagbabawal sa kanyang kulungan sa PNP Custodial Center.
Pagtitiyak ni Roque, walang tigil ang pangulo Duterte sa pagsibak sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Katunayan, iginiit ni Roque na pinayuhan pa ng pangulo ang mga kawani ng gobyerno na kung gusto nilang yumaman ay magtrabaho na lamang sa pribadong sektor at hindi sa gobyerno.