POE-CHIZ ,BI-BO, RO-RO SA 2016 – Wag kang pikon!

 

Dalawamput limang araw bago ang deadline sa certificates of candidacy, tatlong pares na ang namumuo.

Grace Poe-Chiz Escudero ng Partido Pilipinas, VP Jejomar Binay at Sen. Bongbong Marcos ng UNA, Resigned DILG Sec. Mar Roxas at ang nililigawan niyang si Rep. Leni Robredo ng Liberal Party.

Nawala sa eksena si Sen. Alan Cayetano samantalang si Davao city Mayor Rodrigo Duterte ay may “million man march” daw sa Sept. 26 million man march bago magpasya.

Mahirap talaga ang pagpilian natin ngayong eleksyon.

Lahat ng kandidato ay merong mabibigat na isyu. Si Poe, American citizen daw, hindi natural born, kulang sa 10 year residency, at walang karanasan.

Kapag siya ay natalo sa citizenship at residency issues sa Comelec at Suprme Court, si Chiz daw ang tatakbo bilang replacement candidate ng pangulo.

Kapag nanalo , Si Chiz umano ang magpapatakbo ng gobyerno.

Si VP Binay naman, naging nuno ng corruption matapos ang 24 Senate Blue Ribbon sub-committee hearings nina Cayetano-Pimentel-Trillanes.

Kaliwat kanan ang sampa niya ng kaso vs. VM Mercado, Bondal et al at iginigiit na paninira at kasinungalingan ang mga akusasyon sa kanya.

Si Sen. Marcos ang kanyang bise na bagamat magaling na gobernador at senador ay anak ng Conjugal Dictatorship.

Paanong magsasama ang human rights lawyer na si Binay at Marcos?

Pero, sa pulitika ay walang permanenteng kaaway.

Si Senator Mar Roxas na nangangakong itutuloy ang Tuwid na daan, at anino ni Pnoy ay sinasabing mabagal, teka-teka, incomepetent , manhid at cacique o anak mayaman.

Hindi siya makakalimutan ng mga Eastern Visayas noong Yolanda at maging sa Zamboanga city siege.

Bukod dito, ang kapalpakan sa nagkaloko-lokong MRT, at ang may sovereign guarantee na LRT1 extension.

Kapag nanalo si Roxas, lusot na sila sa DAP, PDAF at marami pang anomalya.

Maging si Mayor Duterte, kinulayan din.

Meron daw cancer sa lalamunan at susunod daw na ibubulgar ang kanyang partisipasyon sa mga salvage victims sa Davao city.

Meron daw mga police asset na inihahanda para siraan si Digong kaya bantulot daw ito sa pagkandidato.

Kapag nanalo ito, diktadurya ang mangyayari sa atin at marami ang mamamatay.

Kung aalisin natin ang mga kanya-kanyang isyu at tingnan ang kapabilidad mamuno ng mga kandidato, masasabing sina Binay at Roxas lang ang may karanasan sa pambansang pamamahala.

Ibig sabihin, kayang-kaya ng dalawang ito na patakbuhin agad ang ating gobyerno.

Ang problema lang ay kung saan papunta ang kanilang plataporma. Para ba talaga sa bayan o para sa mga interes ng mga mayayaman at negosyante?

Si Grace Poe naman, dahil sa kawalang karanasan, ay magiging “on the job training” sa Malakanyang sa unang mga taon kapag nanalo at hindi malayong mabalik tayo sa karanasan natin kay Pnoy noong 2010.

Si Chiz ang kanyang “saving grace” sa pamamahala.

Sa aking palagay, mas hinahanap ng mga botante ngayon ang kandidato na magbibigay solusyon sa kanilang mga problema.

Kandidato na hindi manghuhula, o kaya’y sasangguni sa sangkatutak na advisers dahil siya mismo ay hindi makapagdesisyon.

Naniniwala ako na marami pang malalaman ang taumbayan sa mga nalalapit na “presidential debates”.

At sana tapusin na ang “siraan” dahil lahat sila ay sira na.

Tanungin na lang kung ano ang kanilang gagawin sa mga problemang kinakaharap ng bansa. Mga KONKRETONG PLANO hindi, PAMBOBOLA SA PUBLIKO!

Read more...