Pinamamadali na ni Senate President Franklin Drilon sa Senate Electoral Tribunal o SET ang pagpapasya sa disqualification case laban kay Senadora Grace Poe upang mawala na raw ang mga pagdududa sa citizenship nito.
Ayon kay Drilon, ang agarang pagresolba sa kaso kontra Poe ay makakatulong sa lahat lalo na sa pagdedesisyon ng publiko kung sino ang ihahalal sa 2016 Presidential Elections.
Babala ni Drilon, maguguluhan ang mga botante kung ang mga tanong sa citizenship ni Poe ay hindi kaagad masasagot.
Umaasa ang Lider ng Senado na mareresolba ng SET ang kaso ni Poe bago ang paghahain ng certificate of candidacy o COC, na nakatakda sa October 12 hanggang 16, 2015.
Ito’y para makatulong din sa Commission on Elections o Comelec sa paghahanda nito sa halalan, gaya ng pag-imprenta ng mga balota na naka-iskedyul sa January 2016.