Posibleng sa buwan na ng Nobyembre mapagdesisyunan ng Senate Electoral Tribunal o SET ang disqualification complaint laban kay senadora Grace Poe.
Sinabi ni Senador Vicente Sotto III na maaring lumabas ang hatol sa reklamo ni Rizalito David laban kay Poe sa unang linggo ng Nobyembre.
Maliban kay Sotto ay wala pang ibang miyembro ng SET ang nagbigay ng pahayag hinggil sa reklamo.
Si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang siyang umuupong chairman ng SET habang mga miyembro naman ng tribunal sina Justices Teresita Leonardo-De Castro at Arturo Brion at mga senador na sina Loren Legarda, Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, Pia Cayetano, Cynthia Villar, at Nancy Binay.
Bukas, araw ng Lunes ay nakatakda muling magpulong ang SET ganap na alas-2:00 ng hapon sa Supreme Court En Banc session hall para sa oral arguments ng disqualification case laban sa anak ng yumaong Philippine action king Fernando Poe Jr.
Iginiit ni David na hindi dapat maging miyembro ng Senado si Poe dahil siya ay hindi natural-born Filipino.
Nitong September 1 ay nagsumite ang senadora ng mga dokumento sa SET na sagot niya sa mga katanungan hinggil sa kanyang citizenship.