Ito’y matapos lumabas sa bagong analysis ng manufacturer ng Dengvaxia na Sanofi Pasteur na maari itong magdulot ng masamang epekto sa kalusugan kung ang naturukang bata ay hindi pa nagkakaroon ng dengue bago mabakunahan.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, ihahanda niya agad sa lalong madaling panahon ang department order upang maimbestigahan ang nasabing proyekto.
Sakaling mapatunayan sa imbestigasyon na may pananagutan ang mga sangkot dito ay maghahain din aniya sila ng mga karampatang kaso.
Ayon pa kay Aguirre, mayroong dumulog sa kaniya na humina umano ang resistensya ng kaniyang anak at nagkaroon ng “baby tb” matapos maturukan ng Dengvaxia noong April 2016.
Sa ngayon ang impormasyon pa lang na nakakalap ng DOJ ay na pinayagan ni Garin na ipagamit ang Dengvaxia sa kabila ng matinding pagtutol ng mga medical experts at kakulangan ng sertipikasyon mula sa World Health Organization.
Napag-alaman din ng DOJ na nabalaan ang DOH tungkol sa posibleng epekto ng Dengvaxia para sa mga hindi pa nagkaka-dengue ngunit itinuloy pa rin ang proyekto.
Mahigit 733,000 na mga bata ang nabakunahan nito sa National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon.